
Nakipagpulong kahapon, April 14, sa Malacañang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Omani Ambassador Nasser bin Said Al Manawari kung saan pinag-usapan ng mga ito ang lalo pang pagpapatibay ng ugnayan ng Oman at Pilipinas.

Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority at Metro Manila Council na pansamantalang suspendihin muna ang pagpapatupad ng pass-through fees sa mga sasakyan na naghahatid ng mga produkto gaya ng pagkain at langis.

Bukod sa mahigpit na pagbabantay sa presyo ng produktong petrolyo, pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Energy na magiging sapat ang suplay ng langis sa bansa sa gitna ng giyera sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nananatiling sapat pa ang petroleum products sa bansa at may mga ginagawa na silang hakbang para matiyak na tuloy-tuloy ang suplay ng langis.

Aarangkada na simula ngayong araw, April 15, ang pagpapatupad ng service contracting program sa mga public utility vehicle na pumapasada sa limampung ruta sa Metro Manila.

Magsisimula na ngayong Miyerkules, April 15, ang tatlong araw na tigil-pasada na isasagawa ng ilang transport groups sa pangunguna ng Manibela at Piston.
Ito ay upang igiit ang panawagang suspensyon ng fuel excise tax at value-added tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo, gayundin ang pagkondena sa anila’y kakulangan ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para tugunan ang energy crisis.