
Submitted for resolution na sa Sandiganbayan ang petisyon ng Office of the Ombudsman na humihiling ng precautionary hold departure order laban kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Layunin nitong pigilan ang mambabatas na makaalis ng bansa habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nangangamba ang Ombudsman na mahihirapan ang kanilang imbestigasyon sakaling makalabas ng bansa si Romualdez, gaya ng nangyari kay Zaldy Co.

Iniulat ng International Air Transport Association (IATA) na maaaring umabot na lamang hanggang Hunyo ang supply ng jet fuel sa Asia, batay sa pag-aaral ng International Energy Agency.
Ayon kay IATA Director General Willie Walsh, nagsimula nang magbawas ng flights ang ilang bansa sa Asya, kabilang ang Pilipinas, at posibleng sumunod ang airline companies sa Europa.

Panibagong insidente ng hazing ang nadiskubre sa Philippine National Police Academy ilang linggo matapos ang hazing sa 22 kadete noong April 3.
Sa pinakabagong ulat, dalawa pang kadete ang naging biktima sa hazing na naganap naman noong April 19.
Dahil dito, inalis na sa akademya ang 7 sangkot sa unang insidente habang iniimbestigahan ang panibagong kaso.

Inihayag ng Anti-Money Laundering Council sa pagdinig ng House Justice Committee ang umano’y covered at suspicious transactions sa bank accounts na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte mula 2005 hanggang 2026.
Nasilip din ng House panel ang ilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng bise presidente na walang idineklarang cash on hand o bank deposits.

Hindi kinatigan ng International Criminal Court Appeals Chamber ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa desisyon, kinumpirma ng Appeals Chamber ang naunang ruling ng Pre-Trial Chamber na may hurisdiksyon ang ICC sa kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.