
Ramdam na ramdam na ang mabigat na trapiko at usad-pagong na daloy ng mga sasakyan sa RFID at cash lanes ng Balintawak Toll Plaza.
Sanhi ito ng sabay-sabay na pag-alis ng mga motoristang pa-norte at pa-Maynila para sa holiday vacation.

Lalo pang nadagdagan ang mga bumibyahe sa Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX habang papalapit ang holiday rush.
Samantala, dahil sa kumakapal na bilang ng pasahero, may piling biyahe ng bus sa itinakdang oras ang fully booked na tulad ng ilang biyahe patungong Bicol region tulad ng sa Naga, Camarines Sur.

Na-stranded sa BFCT terminal sa Marikina City ang ilang pasahero na byaheng Visayas dahil sa pagkaantala ng pagdating ng mga bus sa terminal.
Nagkaroon ng aberya sa barko na sinakyan ng mga bus pabalik sa Metro Manila kaya ang mga bus na sasakyan ng mga magbabakasyon sa BFCT terminal ay naantala din.

Fully prepared o handang handa ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.
Batay sa datos ng Manila International Airport Authority o MIAA, umaabot na ng mahigit kumulang 170,000 ang bilang ng mga pasahero sa NAIA kada araw simula noong December 20.

Hindi kinukunsinte ng Kamara ang anumang karahasan ayon kay House Ethics Panel Chairperson at 4PS Partylist Rep. JC Abalos.
Kasunod ito ng umano’y ginawang pananakit ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez kay Philippine Fencing Association President Rene Gacuma sa Thailand sa gitna ng Southeast Asian Games.