
Patuloy ang paglilinaw ng Senado sa nilalaman ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill bago ito maipasa bilang batas.
Sa ginawang Senate committee hearing, tinalakay kung hanggang saan ang degree ng kamag-anak na sakop ng pagbabawal sa kandidatura at paano masisiguro na walang kamag-anak ang isang nagnanais pumasok sa politika.
Ayon sa Anti-Dynasty Network, nasa 20 senador at higit 200 kongresista ang kabilang sa political dynasty.

Tatlong senador ang pinakakasuhan ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control scandal, batay sa draft ng committee report.
Nilinaw naman ng Blue Ribbon chairperson na si Sen. Panfilo Lacson na ilan pa lamang sa miyembro ng komite ang pumirma sa naturang report kaya hindi pa ito maisasapinal.
May pahayag din si Lacson kung tatanggalin si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa posisyon dahil sa naturang report.

Tinukoy ni Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard bilang “mga traydor sa bayan” ang mga Pilipinong mas pinapaboran ang China kaysa sa mga opisyal ng pamahalaan sa isyu ng West Philippine Sea.
Muli namang binatikos ng isa sa mga tagapagsalita ng Chinese Embassy sa bansa si Tarriela.

Ipinaalis na ni Tourism Secretary Christina Frasco ang lahat ng promotional materials na may larawan niya.
Hinihikayat din ng kalihim ang lahat ng local government units na huwag na maglagay ng tarpaulin o anumang materyales na makikita siya.

Isinusulong ni House Majority Leader Rep. Sandro Marcos ang panukalang batas na 'no work, no pay' compensation scheme para sa mga mambabatas.
Umani ito ng iba't ibang reaksyon mula sa kapwa lawmakers, at nagbigay rin ng pahayag ang Malacañang tungkol sa isyu.