
Itinalaga si San Juan City Mayor Francis Zamora bilang National President ng League of Cities of the Philippines o LCP para sa taong 2025 hanggang 2028. Kasabay nito ay hinirang din ang iba pang opisyal ng LCP.

Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court Appeals Chamber na madiskwalipika si Prosecutor Karim Khan sa imbestigasyon kaugnay ng drug war sa Pilipinas, dahil umano sa “grievous conflict of interest.”
Ayon kay lead counsel, Atty. Nicholas Kaufman, dati umanong kinatawan ni Khan ang mga biktima ng umano'y EJK sa Pilipinas, kaya't may batayan para kuwestyunin ang kanyang pagiging patas.

Inihayag ng White House na posibleng magkita sa susunod na linggo sina US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin bilang bahagi ng pagsisikap na tapusin na ang giyera sa Ukraine.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ng US Special Envoy na si Steve Witkoff kay Putin sa Moscow kung saan napag-usapan ang posibilidad ng ceasefire.

Kinumpirma ng Philippine Consulate Office sa Hong Kong na nasawi ang isang 35-anyos na turista matapos itong masangkot sa isang vehicular accident sa Tsuen Wan West, Hong Kong kahapon, August 5, 2025.
Tinutulungan na ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong ang pamilya ng biktima upang ayusin ang pagpapauwi ng mga labi nito.

Comatose ang isang 18-anyos na babae matapos mahulog mula sa ferris wheel sa Cagayan noong gabi ng August 3.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na dumungaw ang biktima mula sa kinauupuang gondola habang pansamantalang nakahinto ang ride, pero nahilo at nahulog ito mula sa taas na 10 talampakan.