
Isang 76-anyos na lola ang nasawi matapos masunog ang apat na bahay sa Paombong, Bulacan kaninang tanghali.
Ayon sa mga kaanak, binalikan umano ng lola ang loob ng nasusunog niyang bahay kaya na-trap at hindi nakalabas.

Sinimulan na rin ng Australia ang paglikas ng kanilang mga mamamayan mula sa Middle East.
Bukod sa chartered flights, magpapadala rin ang bansa ng karagdagang mid-range missiles sa UAE bilang proteksyon ng Gulf countries, upang mapanatiling bukas ang airspace at ligtas na makauwi ang kanilang mga mamamayan.

Pinag-usapan na ng House Committee on Ethics ang mga reklamo laban kay Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay kaugnay ng kontrobersyal niyang analogy tungkol sa isang aktres nitong nakaraang deliberasyon ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Humarap sa National Bureau of Investigation ang abogado na nagnotaryo ng joint affidavit ng 18 nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines.
Iginiit ng abogado na lehitimo siyang notaryo publiko at trabaho niya ang magnotaryo ng isang sinumpaang salaysay.

Ikinagalit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hindi magandang pagtrato ng isang opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Bahrain sa ilang nakaharap na Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Palace Press Office Undersecretary Claire Castro, agad na inatasan ni PBBM si Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na aksyunan ang insidente.