
Ipinaasikaso na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapadala ng mga eroplano o chartered flights para sa mga overseas Filipino workers na humihiling ng repatriation mula sa Middle East.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, hindi pa napapanahon na magtalaga ng alert level sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

Iginigiit ng ilang public transport groups na hindi sapat ang halaga ng fuel subsidy na ipagkakaloob ng pamahalaan.
Ayon sa kanila, lubhang mataas na ang presyo ng produktong petrolyo dahil sa gulo sa Middle East, at umaabot na sa P400 hanggang P500 ang nawawalang kita nila kada araw.

Pinag-iingat ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang publiko laban sa mga online scammer, lalo’t nalalapit ang long holiday.
Partikular dito ang mga nag-aalok ng murang hotel at resort accommodation gamit ang mga ninakaw na larawan mula sa lehitimong website para makapambiktima.

Naghahanap na ang Pilipinas ng ibang bansa na maaaring maging supplier ng produktong petrolyo, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ng pangulo na hindi dapat mangamba ang publiko dahil may sapat pang suplay ng langis ang bansa sa kabila ng tensyon sa Middle East.

Sisimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng P5,000 na ayuda para sa mga driver ng pampublikong sasakyan at iba pang transport groups na higit na apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Bagama’t ikinatuwa ng sektor ng transportasyon ang balita, hinihiling nila na agad na ilabas ang listahan ng mga benepisyaryo.