
Hindi pipilitin o hihikayatin ni Senate President Vicente Sotto III si Senator Ronald "Bato" Dela Rosa na pumasok sa Senado.
Ayon kay SP Sotto, gumagana naman ang mga tanggapan sa Senado at may quorum naman sila.

Hustisya ang hiling ng mga magulang ng mga estudyanteng nasawi at nawala matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at New People's Army sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro nitong unang araw ng Enero.
Nais din ng mga magulang na panagutin ang mga nag-recruit at humimok sa kanilang mga anak na mamundok.
Samantala, sumasailalim ngayon sa psychosocial intervention ang Filipina-American na si Chantal Anicoche na natagpuan ng mga sundalo sa lugar ng engkwentro.

Wala umanong search warrant ang mga pulis upang kumpiskahin ang mga mamahaling sasakyan na pagmamay-ari ni dating Rep. Zaldy Co at ng kanyang kumpanyang Sunwest Incorporated.
Kaya ayon sa kampo ng dating mambabatas, magsasampa sila ng reklamo laban sa mga pulis na nagsagawa ng pagkumpiska.
Iginiit naman ng pulisya at ng Bureau of Customs na may dalang search warrant at binigyan pa ng kopya nito ang dumating na mga abogado ni Zaldy Co.

Umabot sa mahigit 1,000 ang naulat na pasyente ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office sa ginaganap na Traslacion ngayong araw.
Samantala, isa-isa ring binubuksan sa trapiko ang mga isinarang kalsada para sa taunang pagtitipon.

Lalong lumala ang tensyon sa pagitan ng estado ng Minnesota at ng Federal government matapos barilin ng isang ICE agent ang isang babae na ikinasawi nito.
Ipinagtanggol ng administrasyon ni US President Donald Trump ang nasabing ahente, habang mariing kinondena naman ng mga lokal na opisyal ng estado ang insidente na nagbunsod ng malawakang protesta.