
Bukas ang Strait of Hormuz sa lahat ng bansa maliban sa Amerika at mga kaalyado nito.
Ito ang pahayag ng Iranian Foreign Ministry kasunod ng panawagan ni US President Donald Trump ng tulong mula sa ibang bansa para mabuksan ang paglalayag sa nasabing shipping lane.
Samantala, tila wala pa ni isang bansa ang tumutugon sa panawagan ni Trump.

Nagbanta si US President Donald Trump sa mga bansang kasapi ng North Atlantic Treaty Organization o NATO na maaaring humarap sa negatibong sitwasyon kung hindi ito tutugon sa kanyang kahilingan.
Isa ang NATO alliance sa inaasahan ni Trump na magpapadala ng mga barkong pandigma para sa umano’y seguridad ng mga barkong dadaan sa naturang shipping route.

Hindi kuntento si House Deputy Speaker at National Unity Party chairperson Ronnie Puno sa takbo ng liderato ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Kaugnay nito, pag-aaralan aniya ng kanilang partido kung dapat pa ba itong manatili o hindi sa majority bloc.

Hihirit naman ng limang pisong dagdag sa pamasahe ang grupong Piston dahil sa matinding epekto ng krisis sa langis sa kita ng mga tsuper.
Kaugnay nito, isang kilos-protesta ang itinakda ng grupo sa March 19 upang igiit ang kanilang hinaing.

Iba’t ibang hakbang ang ginagawa ng pamahalaan ngayon para mabawasan ang epekto ng pagtaas sa presyo ng krudo bunsod ng gulo sa Gitnang Silangan.
Para sa isang mambabatas, panahon na ring magkaroon ng diskwento sa toll fee sa mga national expressway.