
Sa pagbubukas ng World Economic Forum sa Davos, Switzerland, nananatili ang tensyon sa pagitan ng ilang bansa sa Europa at United States kasunod ng banta ni dating U.S. President Donald Trump na magpataw ng taripa, kaugnay ng isyu sa pag-angkin sa Greenland.
Usap-usapan din ang posibleng pagganti ng European Union sa naturang tariff threat, na ayon kay U.S. Treasury Secretary Scott Bessent ay hindi magiging magandang hakbang para sa EU at maaaring magpalala ng umiiral na sigalot sa kalakalan.

Nakukulangan ang ilang miyembro ng Senate Minority Bloc sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga maanomalyaang flood control project.
Naglabas din ang ilang miyembro ng minorya ng tinaguriang minority report na naglalaman ng mga posibleng paglabag sa batas ng mga sangkot sa flood control scandal.

Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang pag-ulan ng abo sa Daraga at Legazpi City sa Albay ay dulot ng paggulong ng mga bato mula sa bunganga ng bulkan, kasabay ng pyroclastic density current.
Ayon sa PHIVOLCS, posibleng senyales ito ng panibagong pag-akyat ng magma na maaaring magdulot ng mas malakas na aktibidad ng Mt. Mayon.

Wala pang natatanggap na Red Notice ang National Bureau of Investigation kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, batay ito sa pakikipag-ugnayan ng NBI sa International Criminal Police Organization (Interpol).

Tinawag ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na “basura” ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil ayon sa kanya, nakabatay lamang ito sa news articles.
Naniniwala rin ang ibang lider sa Kamara na hindi uusad ang reklamo.