
Sinabi ng ilang opisyal ng Estados Unidos na posibleng matapos sa loob ng ilang linggo ang digmaan sa pagitan ng US‑Israel at Iran sa kabila ng pahayag ng Tehran na handa itong lumaban hangga’t kinakailangan.
Ayon kay US Energy Secretary Chris Wright, inaasahang bababa rin ang presyo ng langis kapag natapos ang sigalot at muling bumalik sa normal ang suplay ng enerhiya.

Nagpulong kahapon, March 16, ang mga opisyal ng European Union sa Brussels upang talakayin ang posibleng pagpapalawak ng naval mission na tinatawag na Operation Aspides tungo sa Strait of Hormuz.
Ginawa ito ng EU matapos tumaas ang tensyon sa Gitnang Silangan at sumipa ang presyo ng krudo dahil sa digmaan laban sa Iran.

Ilang bansa na ang nagpahayag na hindi sila tutugon sa panawagan ni US President Donald Trump na magpadala ng mga navy upang siguruhin ang pagbubukas ng daluyan ng langis sa Strait of Hormuz.

Nagpaplano na ang mga bansang UK at US kung paano muling mabubuksan ang Strait of Hormuz.
Layunin ng mga hakbang na ito na maibalik ang malayang pagdaan ng mga oil tanker at mapahupa ang pagtaas ng presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.

Umarangkada na rin sa Senado ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na babaan o suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na krisis sa langis bunsod ng gulo sa Middle East.