
Kinumpirma ng mga pulis na nakilala na ang lahat ng 40 biktima ng sunog sa isang bar sa ski resort ng Crans-Montana sa Switzerland noong bisperas ng 2026.
Ang mga nasawi ay may edad 14 hanggang 39, kabilang ang 15 menor de edad, habang 119 pa ang nasugatan, karamihan ay may malubhang paso.

Hinimok ni Danish Prime Minister Mette Frederiksen si U.S. President Donald Trump na itigil ang mga pahayag tungkol sa posibleng pagkuha ng Estados Unidos sa Greenland.
Giit niya, walang karapatan ang US na gawing annex ang alinmang bahagi ng Danish Kingdom.

Nagbanta si US President Donald Trump ng posibleng ikalawang pag-atake laban sa Venezuela kung hindi umano makikipagtulungan ang natitirang liderato ng bansa.
Kasabay nito, nagbigay rin ng babala ang Estados Unidos sa bagong lider ng Venezuela at sa karatig-bansang Colombia.

Iniutos ng Korte Suprema ng Venezuela na pansamantalang manungkulan si Vice President Delcy Rodriguez bilang Interim leader matapos madakip si Venezuelan President Nicolás Maduro sa isang operasyong militar ng Estados Unidos.
Ayon sa desisyon ng Constitutional Chamber, layon ng hakbang na matiyak ang pagpapatuloy ng pamahalaan at ang depensa ng soberanya ng bansa sa kawalan ng pangulo.

Conspiracy theory lamang ang kumakalat na isyu na itinalaga si dating Philippine National Police Chief Nicolas Torre III bilang bagong MMDA general manager upang maalis siya bilang 4-star rank officer ng PNP.
Ayon kay Torre, ngayon na magsisimula siya sa aniya’y mas mabigat na responsibilidad kumpara sa pagiging PNP chief, isa sa kanyang tututukan ay ang pagpapaayos ng disiplina sa mga pasaway na enforcer at pagpapabilis ng response time at clearing operation sa mga insidente ng banggaan.