
Naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Office laban sa tinaguriang Bulacan Group of Contractors o BGC Boys.
May kinalaman ito sa paggamit umano nila ng pekeng driver’s license na ipinapakita tuwing nagka-casino sila.

Ikinabahala ni House Infrastructure Committee o Infra Comm Co-Chairperson at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang paglipat ng kustodiya kay dating DPWH Bulacan 1st District Asst. Engineer na si Brice Hernandez mula sa PNP Custodial Center patungong Pasay City Jail.
Umaapela ang kongresista na ikonsidera ng Senado ang desisyon nito, lalo na at mabibigat ang naging testimonya ni Hernandez laban sa dalawang senador na iniuugnay sa maanomalyang proyektong pang-imprastraktura sa Bulacan.

Inihayag ni Cavite 4th District Rep. Francisco ‘Kiko’ Barzaga na umalis na siya sa kinabibilangang National Unity Party dahil sa umano’y internal conflict at bumaba sa puwesto bilang House Asst. Majority Leader.
Ito ay matapos umano siyang paghinalaang nasa likod ng planong pagpapatalsik kay House Speaker Martin Romualdez.

Dumating na sa bansa ang ikalawang Miguel Malvar-class frigate ng Philippine Navy na tatawaging BRP Diego Silang o FFG-07.
Gayunman, isasailalim pa sa Technical Inspection and Acceptance o TIA ang bagong guided missile frigate ng Pilipinas bago tuluyang maisama sa active fleet ng Philippine Navy.

Naglabas ng saloobin si Davao City 1st District Rep. Paolo "Pulong" Duterte sa paglilihis umano ng usapan sa House probe kaugnay sa maanomalyang flood control project.
Aniya, bagaman inilahad na ng mga opisyal ng DPWH at iba pang resource person na nagbigay sila ng payola sa ilang opisyal ng pamahalaan, idina-divert umano ng ilang kongresista sa Infra Comm ang isyu sa ilang proyekto sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City, sa halip na litisin ang talagang may sala.