
Tiniyak ng PHIVOLCS na walang banta ng tsunami sa Pilipinas matapos ang magnitude 7.5 na lindol sa Southern Drake Passage kaninang umaga.
Batay sa kasalukuyang datos ng ahensiya, walang nakikitang Destructive Tsunami Threat.

Sinampahan na ng pormal na kasong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer ng National Police Commission si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, PBGen. Romeo Macapaz.
Bunsod ito ng naunang reklamo ng magkapatid na si Julie Patidongan alyas 'Totoy' at kapatid nito na si Elakim Patidongan.

Ipinauubaya na ni Dept. of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kapalaran sa ahensya.
Sinabi ng kalihim na hihintayin muna niya ang magiging payo sa kanya ni PBBM kung dapat ba siyang magleave sa pwesto habang iniimbestigahan ang mga ghost flood control projects.

Wala pang impormasyon kung nakapag-usap na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at resigned NBI Director Jaime Santiago.
Pero ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro, tinanggap na ng Pangulo ang pagbibitiw sa pwesto ni Santiago.
Tiniyak rin ng Malakanyang na magkakaroon ng kapalit ang nagbitiw na opisyal.

Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng kanilang mga programa na huwag ipangsugal ang nakukuhang cash aid o ayuda.
Batay sa memorandum na inilabas ni Secretary Rex Gatchalian, ang ayuda ay dapat mapunta sa tamang paggagamitan at hindi sa bisyo gaya ng pagsusugal.