
Naglabas ng direktiba ang Bureau of Customs na nag-aatas sa lahat ng opisyal at kawani nito na magsumite ng disclosure forms upang maiwasan ang conflict of interest.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, kailangan ideklara ng mga empleyado kung may negosyo o kamag-anak silang konektado sa customs brokerage para mapanatili ang integridad at transparency sa serbisyo publiko.

Sa loob ng 48 oras o dalawang araw ay ilalabas na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magiging komposisyon at kapangyarihan ng binubuong independent commission para mag-imbestiga sa anomalya sa mga flood control project ng gobyerno.
Sa press briefing ng pangulo sa Cambodia, sinabi niya na may detalye na ng magiging kapangyarihan ng independent body at kung sinu-sino ang magiging miyembro nito.

Inianunsyo ngayon ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na kinansela na ng Procurement Service ang membership sa Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS ng mga kumpanyang may kaugnayan sa mga Discaya.
Bukod sa kanila, kasama rin sa posibleng kanselahin ang membership ng Wawao Builders, Syms Construction Trading, at iba pang contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa mga Pilipino sa bansang Singapore na kumukuha ng iba pang trabaho bukod sa kanilang regular employment doon.
Ayon sa embahada, mahigpit na ipinagbabawal ng Singapore government ang moonlighting o pagtatrabaho sa iba na hindi sakop ng kanilang employment contract, kahit na ito ay sa libre nilang oras o araw.

Nagbitiw na sa puwesto bilang Executive Director ng Philippine Contractors Accreditation Board si Attorney Herbert Matienzo.
Ang resignation ni Matienzo ay kinumpirma mismo ni Department of Trade and Industry Secretary Ma. Christina Roque.