
Kinumpirma ni Pililla, Rizal Mayor John Masinsin na dalawa na ang naitalang nasawi sa helicopter crash sa Pililla, Rizal kaninang umaga, March 3.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Rizal Police Provincial Office at Civil Aviation Authority of the Philippines sa nangyaring aksidente.

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa Senado na suriin ang kontrobersyal na affidavit ng labing-walong dating miyembro ng Philippine Marine Corps.
Ayon kay Marcos, hindi dapat balewalain ang mga seryosong akusasyon, kabilang na ang alegasyon ng bilyon-bilyong pisong cash delivery scheme.

Isinagawa ngayong araw sa Sandiganbayan ang trial o mismong paglilitis sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Mimaropa Region.
Ito ay para sa kasong malversation kaugnay ng umano’y substandard na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, kung saan kapwa akusado nila si dating Congressman Zaldy Co.

Kinumpirma ng Philippine National Police na nasa 20 lugar na na posibleng pinagtataguan ni Atong ang ni-raid ng mga awtoridad simula pa noong Enero ngayong taon.
Sa kabila nito ay sinabi ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na bigo pa rin ang mga awtoridad na matagpuan ang pinaghahanap na negosyante.

Isinasagawa ng House Committee on Justice ang pagtukoy sa sufficiency in substance ng dalawang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Nangangahulugan ito ng pagsusuri kung may sapat bang batayan at pasok sa impeachable offense ang mga alegasyon laban sa Pangalawang Pangulo.