
Nag-alok ng tulong ang Oman upang mailikas ang mga mamamayan ng iba't ibang bansa na naiipit sa kaguluhan sa Middle East. Ayon kay Omani Foreign Minister Badr Albusaidi, nakikipag-ugnayan na sila sa government leaders at international airlines upang makapagbukas ng flights para sa repatriation.

Tatlong kabataang Pilipino na nagtatrabaho sa Philippine Navy at malapit sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard ang inaresto ng AFP.
Sila ang pinaniniwalaang nagbigay ng impormasyon at naging kasabwat ng China sa pang-eespiya sa bansa.
Isa sa kanila ay nagpahayag ng pagsisisi matapos makitang nasira ang isang barko ng Pilipinas habang nasa Ro-Re mission sa West Philippine Sea.

Inabisuhan ng Department of Energy ang mga ahensya ng gobyerno na mahigpit na ipatupad ang Government Energy Management Program.
Layunin nito na mabawasan ang konsumo ng enerhiya sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng petrolyo at kuryente.

Tiniyak ng Department of Energy na sapat pa ang mga produktong petrolyo sa bansa ngayong Marso.
Ngunit pagdating ng April 15, wala pang kumpirmasyon mula sa oil companies sa kanilang mga bibilhing langis.
Inilahad naman ng ahensya ang iba pang plano upang matiyak ang kasapatan ng produkto at maibsan ang pagtaas sa presyo ng fuel products.

Pinamamadali ng Department of Public Works and Highways ang pagsasaayos ng drainage system sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila.
Target ng ahensya na matapos ang proyekto sa taong 2027, subalit isa sa mga hamon ay ang pagkukunan ng pondo na aabot sa P1.2-B.