
Iginiit ni House Justice Committee Chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na walang hadlang para maipa-subpoena ang bank records ni Vice President Sara Duterte.
Samantala, hinamon naman ni VP Sara Duterte ang mga nag-aakusa sa kaniyang tukuying ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman nito sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN.

Hindi pinagbigyan ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makalabas na ito.
Ayon sa ICC, bigo ang depensa na magpakita ng mga bagong sirkumstansya para udyukan ang korteng baguhin nito ang kaniyang desisyon.

Sinertipikahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na urgent ang panukalang batas na magtatakda ng petsa sa pagdaraos ng Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon naman sa Commission on Elections o Comelec, dapat na itong maisabatas dahil ilang beses na rin itong naipagpaliban.

Nakausap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa telepono si United Arab Emirates o UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan kahapon.
Sa kanilang pag-uusap, ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr. ang suporta ng Pilipinas sa UAE sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gulf region.

Posibleng ipamahagi na ang fuel subsidy para sa mga public utility vehicles sa susunod na buwan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB. Ayon sa ahensya, nakahanda na sila oras ito'y pasimulan.
Bukas rin ang ahensya sa pagbibigay ng parehong fuel subsidy at fare hike kung kakailanganin.