
Ipinagtanggol ng Malacañang ang working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa New York sa Amerika sa gitna ng mainit na usapin sa labis na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng digmaan sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, ang pagdalo ng Pangulo sa United Nations General Assembly ay mahalaga para ikampanya ang kandidatura ng Pilipinas para sa non-permanent seat sa UN Security Council para sa taong 2027 to 2028.

Ipinag-utos na ni Department of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang pagpapa-recall sa isang empleyado ng Migrant Workers Office sa Bahrain matapos ang umano’y hindi tamang asal nito sa mga overseas Filipino worker doon.
Sa isang viral video, makikita ang tila pagtatalo ng nasabing empleyado ng MWO sa mga OFW na humihingi ng tulong dahil sa nangyayaring gulo sa Middle East.

Hindi magpapatupad ng 4-day work week ang Pambansang Pulisya.
Subalit tiniyak ng mga ito na magtitipid din sila ng enerhiya.

Naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na hindi sapat ang pansamantalang pagsuspinde o pagtanggal ng excise tax sa produktong petrolyo upang matugunan ang posibleng epekto sa ekonomiya ng tumitinding oil crisis.
Ayon sa senadora, dapat ding maglaan ng sapat na pondo para sa repatriation at reintegration ng mga OFW, energy subsidy, at suporta sa sektor ng agrikultura.

Inihain ng Presidential son na si House Majority Leader–Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, kasama si Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III, ang isa pang panukalang batas na magkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para suspendihin ang excise tax sa langis sa gitna ng krisis sa Middle East.
Magsasagawa na ng deliberasyon kaugnay nito ang House Committee on Ways and Means ngayong araw, March 10.