
Hindi kuntento ang ilang transport group sa inaprubahang taas-pasahe sa mga jeep ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ngayong araw.
Ayon sa kanila, kulang ito kumpara sa laki ng itinaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Nagsimula na ngayong araw ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pamamahagi ng P5,000 cash assistance para sa mga tricycle driver na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa Quezon City, dismayado ang ilang tricycle drivers dahil wala ang kanilang pangalan sa listahan ng mga mabibigyan.

Walang operasyon ang LRT Line 1 mula April 2 hanggang April 5 upang bigyang-daan ang maintenance activities.
Ayon sa private operator nitong Light Rail Manila Corporation (LRMC), magsasagawa sila ng inspeksyon at system upgrades.

Plano ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na magtayo pa ng karagdagang pasilidad upang mahikayat ang publiko na gumamit ng bisikleta bilang alternatibong paraan ng transportasyon.
Kaugnay nito, inilunsad ng ahensya ngayong araw ang mga shower room na maaaring gamitin ng mga siklista sa ilalim ng bike-to-work program nito.

Agad na ring sisimulan ng Department of Transportation ang pamamahagi ng fuel subsidy sa public transport drivers.
Kaugnay nito, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang hindi maapektuhan ng gulo sa Middle East ang pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.