
Tiniyak ng Department of Trade and Industry o DTI na walang magiging pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng susunod na tatlumpung araw.
Kasunod ito ng kasunduan ng ahensya sa 21 manufacturers na panatilihin ang presyo ng mga produkto tulad ng sardinas, tinapay, bottled water, instant noodles, kape, de-lata, sabon, at kandila sa kabila ng epekto ng tensyon sa Middle East.

Aprubado na sa third and final reading ng Senado ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan o suspendihin ang ipinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo.

Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development na walang makalulusot na ghost beneficiary sa ginagawang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan.
Samantala, nilinaw din ng DSWD na para lamang muna sa mga driver at hindi muna kasama ang mga operator sa mga mababahagian ng ayuda.

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na dadaan sa masusing proseso at public consultation ang P5 dagdag-pasahe na planong ihirit ng grupong PISTON.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, lahat ng petisyon ay nais nilang matugunan nang mabilis, gayunman kinakailangan nitong dumaan sa proseso.

Inianunsyo ng Civil Aeronautics Board ang pagpapatupad ng taas-singil sa fuel surcharge para sa lahat ng domestic at international flights sa darating na Abril.
Gayunman, ayon sa CAB, ito ay interim lamang o ipatutupad sa mas maikling panahon mula April 1 hanggang April 15, 2026.