
Makikipag-usap si Vice President Sara Duterte sa legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Ito ay kasunod ng "fit to pre-trial ruling" na inilabas ng korte para sa kasong kinakaharap ng dating pangulo.

Grounded na at hindi maaaring bumiyahe ang lahat ng barko ng Aleson Shipping Line kasunod ng paglubog ng M/V Trisha Kerstin sa Basilan.
Nabisto rin ng Department of Transportation na hindi isa kundi mahigit 30 insidente sa karagatan sa nakalipas na ilang taon ang kinasangkutan nito.
Pinagpapaliwanag na rin ng DOTr ang Maritime Industry Authority o MARINA kung paano nabibigyan ng safety compliance ang kumpanya.

Iniimbestigahan ng Bureau of Immigration ang mga alegasyon ni Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy tungkol sa umano’y special treatment at paglabag sa seguridad habang siya ay nasa BI detention facility.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, bagama’t hindi pa beripikado ang mga pahayag, kinakailangang sumailalim ito sa internal scrutiny at hindi nito binabago ang desisyon sa deportasyon at permanenteng ban sa vlogger.

Nakaligtas sa pananambang si Shariff Aquak Maguindanao del Sur Mayor Akmad Ampatuan nitong Linggo.
Tatlo sa apat na suspek ang napatay matapos makipagbarilan sa mga awtoridad.

Iginagalang ng Malacañang ang Kamara sa pagtrato nito sa inihain na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit iginiit ng Palasyo na ang hakbang ay maituturing na pag-atake sa administrasyon.
Nagbigay rin ng pahayag ang Malacañang kaugnay sa desisyon ni Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos na mag-inhibit sa pagdinig ng impeachment proceedings laban sa kanyang ama.