
Tuloy ang pagsasagawa ng House of Representatives ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay kahit may nakahaing petisyon sa Korte Suprema laban dito ang mga abugadong kaalyado ng Bise Presidente.

Sinimulan ngayong linggo ang pamimigay ng cash relief assistance para sa transport sector na lubhang naapektuhan ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Bagaman nagkaroon ng ilang problema, nangako ang pamahalaan na magiging maayos na ang mga susunod na payout.

Nilinaw ng Department of Trade and Industry na wala pang price freeze sa ngayon kahit pa umiiral ang state of national energy emergency na idineklara ng Malacañang.
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na nananatiling stable ang supply at presyo ng mga pangunahing bilihin sa ngayon kasunod ng inilabas na Executive Order 110.

Naging mapayapa ang pagtatapos ng dalawang araw na transport strike batay sa assessment ng Philippine National Police.
Ayon sa pambansang pulisya, wala silang untoward incident o ulat ng karahasan na naitala sa mga lugar kung saan nagsagawa ng transport strike sa National Capital Region, Calabarzon, Bicol Region, Central Visayas, Northern Mindanao, at Cordillera Administrative Region.

Hindi maaapektuhan ng pagbabago sa setup ng ASEAN meetings ang serye ng pagtalakay sa Code of Conduct sa South China Sea, ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA.
Sa isang mensahe, sinabi ni DFA Spokesperson Dax Imperial na ang mga deliberasyon kaugnay ng COC at iba pang agenda ng ASEAN ay magtutuloy-tuloy.