
Hindi na umabot sa deliberasyon ng Senado kahapon ang pag-apruba sa amendments sa Biofuels Act bago matapos ang sesyon.
Na-certify bilang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala, habang nagpaabot ng pangamba ang ilang senador sa posibleng epekto nito sa lokal na industriya at presyo ng petrolyo.

Nagtamo ng malawakang pinsala ang liquefied natural gas facility ng Qatar, ang pinakamalaki sa buong mundo.
Bukod sa Qatar, pinuntirya rin ng Iran ang ilang energy complex sa United Arab Emirates at Saudi Arabia.
Dahil dito, nagbabala si Saudi Prince Faisal bin Farhan Al Saud na gaganti sa pinsalang dulot ng agresyon ng Iran.

Hindi magiging hadlang sa impeachment proceedings kung hindi dumating si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Justice Committee, ayon sa isang endorser ng reklamo.
Parehong nagpahayag ang dalawang panig na natanggap na nila ang imbitasyon ng House panel para sa isasagawang pagdinig sa susunod na linggo.

Palalawigin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash assistance sa tricycle drivers sa National Capital Region matapos may ilan pang hindi umabot sa unang tatlong araw ng pamimigay ng ayuda.
Ayon sa DSWD, may extension pa ang payout upang mas maraming benepisyaryo ang mabigyan ng tulong.
Samantala, may ilang tricycle drivers na nakatanggap na ng ayuda ang humihiling pa ng karagdagang suporta mula sa pamahalaan.

Magbibigay ng dagdag na tulong ang pamahalaan sa mga tsuper ng bus, jeep, at transport network vehicle services (TNVS) na naapektuhan ng pansamantalang suspensyon ng fare increase.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., posibleng mas makaapekto sa kita ng public transport operators ang pagtaas ng pamasahe kaysa makatulong sa kanilang hanapbuhay, kaya pinag-aaralan ng gobyerno ang mga karagdagang suporta para sa transport sector.