
Handa nang muling i-endorso ng mga mambabatas ng Makabayan Bloc ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng pinal na desisyon ng Supreme Court na nagdeklara bilang labag sa Saligang Batas ang articles of impeachment na inihain laban sa Bise Presidente noong 19th Congress.

Pinal na ang desisyon ng Korte Suprema sa apela ng House of Representatives kaugnay ng impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte noong nakaraang taon.
Hindi pinagbigyan ng Mataas na Hukuman ang motion for reconsideration ng Kamara na baligtarin ang nauna nitong pasya na unconstitutional ang nasabing impeachment complaint.
Ikinatuwa naman ng kampo ng pangalawang pangulo ang naging desisyon ng Supreme Court.

Malayang nakabibiyahe sa ilang bansa sa Europa ang nagbitiw na Ako Bicol Party-list Rep. na si Zaldy Co gamit ang pasaporteng inisyu ng ibang bansa.
Ito ang kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Dahil dito, sinabi ng DILG na magsasagawa ang pamahalaan ng mga kinakailangang hakbang upang maipakansela ang foreign passport ni Co at matiyak ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

Malapit nang magsampa ng kaso ang Department of the Interior and Local Government laban sa mga opisyal ng Bureau of Fire Protection na sangkot sa umano’y katiwalian.
Aabot sa humigit-kumulang 40 kawani ang iniimbestigahan kaugnay ng iregularidad sa proseso ng biddings, na inaasahang hahantong sa pormal na pagsasampa ng mga reklamo.

Tiniyak ng House Committee on Justice ang pagiging patas sa isasagawang pagtalakay sa reklamong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa komite, ito ang magiging sentro ng mga panuntunang ipatutupad ng House panel sa oras na magsimula ang pagdinig sa February 2, 2026.