
Dumating na sa Batangas ang mga remotely operated vehicle o ROV na gagamitin sa paghahanap sa labi ng missing sabungeros.
Sinubukan muna ito ng mga diver ngayong araw bago isabak sa aktwal na operasyon.

Mahigpit ngayong ipinagbabawal ng Philippine Coast Guard ang pangingisda sa paligid ng searching area kung saan sinasabing inihulog ang mga nawawalang sabungero sa Taal Lake.
Samantala, muli namang binigyang-diin ng PCG na maingat nilang iniaahon ang mga nare-recover na sako mula sa lawa na naglalaman ng mga kahina-hinalang bagay.

Inaasahang matatapos ngayong araw ng mga technical diver ng Philippine Coast Guard ang pagsisid sa unang quadrant ng search area sa Taal Lake, kung saan pinaniniwalaang itinapon ang mga nawawalang sabungero.
Bahagi ito ng mas pinalawak na imbestigasyon na layong makakuha ng ebidensya sa kasong matagal nang hinahanapan ng hustisya.

Muling narekober ng mga technical diver ng Philippine Coast Guard ang isang kahina-hinalang bagay na nakalagay sa sako mula sa ilalim ng Lawa ng Taal.
Kasabay ito ng paglilipat ng kanilang search area ngayong araw.

Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Laurel, Batangas ang pagsailalim ng bayan sa state of calamity dahil sa matumal na bentahan ng isda mula sa Taal Lake.
Nag-ugat ito sa isyu ng mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang itinapon sa lawa.