Naitala ng Commission on Elections (COMELEC) ang pinakamataas na bilang ng mga bagong rehistradong botante sa kasaysayan ng halalan sa bansa, matapos makapagtala ng mahigit 2.7 milyong rehistrado sa loob lamang ng sampung araw ng nationwide voter registration.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, halos tatlong ulit itong mas mataas kaysa sa orihinal na target na isang milyong rehistrado.
“Hindi talaga namin mawari anong kadahilanan bakit ganun na lang ang init ng ating mga kababayan lalo na makapagparehistro. Kahapon sobra ang pumila inabot ng gabi,” ani Garcia.
Sa huling araw ng pagpaparehistro, tinatayang 600,000 ang dumagsa sa mga registration centers. Mahigit sa kalahati ng mga bagong rehistrado ay mula sa sektor ng kabataan.
Binanggit ni Garcia na nalampasan pa ng kasalukuyang registration drive ang bilang ng mga rehistrado noong nakaraang halalan, na isinagawa sa loob ng halos dalawang taon.
“Napakamatagumpay po ito, again inuulit natin ito po ang pinakatagumpay na registration sa kasaysayan ng buong komisyon sa kasaysayan ng ating registration sa kasaysayan ng ating eleksyon,” pahayag ni Garcia.
Binigyang diin ng poll chief na patuloy ang paghahanda ng COMELEC sa halalan sa kabila ng inaasahang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).—mbmf (mula sa ulat ni UNTV Correspondent Dante Amento)