
Magsisilbing major hub ang Taguig City sa kauna-unahang underground railway system ng bansa na may lima sa 17 istasyon ng Metro Manila Subway.
Bukod sa Kalayaan Avenue at Bonifacio Global City, kabilang din sa itatayong mga istasyon sa Taguig ang Lawton East, Senate–DepEd, at FTI o Arca South.

Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development sa mga gumagamit ng pekeng dokumento para lang makakuha ng ayuda, kabilang na ang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, may kaakibat na parusa sa ilalim ng Revised Penal Code ang mga gumagamit ng pekeng dokumento.

Hindi muna tatanggap ang Department of Public Works and Highways ng bagong project proposals hangga’t hindi natatapos ang mga nakabinbing proyekto ng ahensya sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Sec. Vince Dizon na ang hakbang na ito ay pagsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na tapusin ang mga nabinbing proyekto sa itinakdang panahon.

Iginiit ni House Public Accounts Chairperson at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na walang matibay na batayan para imbestigahan ng Kongreso at iba pang investigating bodies ang alegasyong text messages sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin sa umano’y kickbacks sa budget insertions.

Magsasagawa ang House of Representatives of the Philippines ng memorial service para sa yumaong si dating House Speaker Jose de Venecia.
Pangungunahan ni House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III ang pormal na talumpati ng pag-aalala sa buhay ni JDV o kilala rin sa tawag na Speaker Joe.