
Nanawagan ang Iran na palayain o i-unfreeze ang bilyun-bilyong dolyar nitong mga asset na nakapirmi sa ibang bansa.
Gayunman, plano ng Estados Unidos na gamitin ang naturang pondo para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga imprastrakturang nasira bunsod ng mahigit tatlong buwang digmaan.

Muling uminit ang tensyon sa South China Sea matapos mamataan ng Taiwan ang sabayang operasyon ng isang Chinese Coast Guard ship at research vessel malapit sa Pratas Islands.
Tinawag ng Taipei na isang malinaw na probokasyon ang hakbang ng Beijing habang nagpapatuloy ang sigalot ng magkabilang panig kaugnay ng soberanya at kontrol sa mga pinag-aagawang teritoryo at karagatan sa rehiyon.

Muling nagpaalala ang pamunuan ng Philippine National Police sa kanilang mga tauhan na huwag magpaapekto sa mga usaping pampulitika at manatiling propesyonal sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Ayon sa PNP, mas mahalagang ituon ng mga pulis ang kanilang atensyon sa mandato ng organisasyon at sa patuloy na pagseserbisyo sa mamamayan.

Hinamon ni House prosecution panel member at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang mga nagpakilalang dating bodyguards ng nagbitiw na kongresista na si Zaldy Co na humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Erwin Tulfo ngayong June 8.
Kabilang si Ridon sa mga idinadawit ng mga naturang indibidwal na umano'y nakatanggap ng maleta ng pera.

Itinanggi ni Senator Francis "Chiz" Escudero ang mga alegasyong nakatanggap siya ng umano'y political favor kapalit ng kanyang pagdalo sa sesyon ng Senado noong June 3.
Ayon sa senador, walang anumang kapalit ang kanyang pagdalo sa sesyon na nagbigay-daan sa paglipat ng dating minority bloc sa majority bloc na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian.