
Ngayong wala na sa Kamara si Zaldy Co, naniniwala si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na top contractor ng DPWH sa Kongreso ngayon si Construction Workers Solidarity o CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola.
Aniya, mahigit P20 billion pesos na halaga umano ng mga proyekto ng DPWH ang nakuha ng construction companies na iniuugnay kay Gardiola para sa taong 2025, kabilang na ang ilan sa mga proyektong ipinatupad sa distritong nasasakupan ni Rep. Leviste.

Kinuwestyon ni Sen. Rodante Marcoleta ang paninira kay dating Marine Technical Sergeant Orly Guteza, partikular na ang pekeng notaryo sa mga dokumento nito, pangunahin na ng kaniyang inihayag sa Senado.
Paliwanag ng mambabatas, moot and academic o wala nang praktikal na epekto ang notaryadong pahayag ni Guteza.

Ipinagpaliban muna ng Independent Commission for Infrastructure o ICI ang kanilang susunod na referral sa Office of the Ombudsman na nakatakda sana ngayong linggo.
Ayon kay ICI Chairperson, retired Justice Andres Reyes, ito ay dahil sa panibagong affidavit o salaysay na isinumite nitong Lunes ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo.

Naniniwala ang ilang miyembro ng minority bloc ng Kamara na dapat harapin at magpaliwanag, hindi i-dismiss o isantabi ang mga alegasyong nasa likod ng bilyong pisong halaga ng insertions sa 2025 national budget at nakinabang sa kickbacks si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kung matindi umano ang kawalan ng tiwala ng publiko sa PBBM administration, posible itong magresulta sa impeachment case laban sa Pangulo.

Pinuna ng dating mambabatas at dating Presidential Adviser on Political Affairs na si Jacinto “Jing” Paras na tila nagiging abogado at tagapagtanggol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Panfilo Lacson.
Ayon kay Paras, “unethical” para sa chairman ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee ang maglabas ng konklusyon kahit wala pang imbestigasyon kay Zaldy Co.